Bilang pagdiriwang sa Buwan ng Wikang Pambansa ngayong buwan ng Agosto, ang Pasuguan ng Pilipinas sa Muscat ay nagsagawa ng iba’t ibang aktibidad.
Kasalukuyang inilalathala sa opisyal na pahina ng Pasuguan sa “Facebook” (https://www.facebook.com/pages/Philippine-Embassy-in-Muscat-Oman/335132629830610) ang isang bugtong sa wikang Filipino sa bawat araw Agosto, na nagsimula noong ika-6 ng Agosto at magtatapos sa ika-31 ng Agosto 2015, para palawakin ang kaalaman sa wikang Filipino. Ang mga bugtong na inilalathala ay nagmula sa aklat na sinulat ni Ginoong Rene O. Villanueva na pinadala ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining ng Pilipinas.
Inilunsad din ng Pasuguan ang Araw ng Sentro Rizal na kung saan ang Aklatan ng Sentro Rizal (Sentro Rizal Library) sa Pasuguan ay magbubukas tuwing pangalawang Sabado ng buwan, mula ika-9 ng umaga hanggang ika-3 ng hapon, upang mabigyan ng pagkakataon ang lahat ng mga Pilipino sa Oman, lalo na ang mga mag-aaral, na kilalaning mabuti ang kanilang lahi sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga aklat na Filipino sa Aklatan. Unang binuksan ang Aklatan ng Sentro Rizal noong ika-8 ng Agosto.
Ang Pasuguan, sa pakikipagtulungan ng Philippine School Oman, ay nag-organisa ng aktibidad na pagbasa sa makulay na talambuhay ni yumaong Pangulong Manuel Luis Quezon, ang tinaguriang “Ama ng Wikang Pambansa,” sa Philippine School Oman, noong ika-19 ng Agosto na siya din araw ng kapanganakan ni Pangulong Quezon.
Sinimulan ito ng pag-awit ng pambansang awit ng mag-aaral ng Philippine School Oman - Chorale. Sina MJ Chrezler Ruiz at Kyla Ruiza Aquino ay nagpamalas ng kanilang talento sa pagtalumpati bilang sina Dr. Jose P. Rizal at Maria Clara.
Sinundan pa ito ng talakayan ukol sa talambuhay ni Pangulong Quezon at ang mga natamo niya para sa bayan, kasama na ang pagtaguyod niya sa kasarinlan ng Pilipinas at ng sariling wikang pambansa. WAKAS